Ang Kita Kita at ang Paggising sa ating Inner Tonyo at Lea

Mahirap na tanggihan ang udyok na bumisita sa sinehan lalo pa at halos araw-araw kang tuksuhin ng social media feeds mo tungkol sa pinakabagong usap-usapan ngayon – and I am talking about Empoy Marquez and Alessandra de Rossi’s successful movie Kita Kita. Napanood mo na ba? If not, I’m gonna warn you of minor spoilers ahead. Consider yourself warned.
Let me join the bandwagon of Kita Kita’s version of counting from 1 to 10.

Isa. Mag-isa lang akong na sumugod sa sinehan, gabi. Sabi sa mga reviews, siguruhin daw na may kasama dahil siguradong mapapalaban ka. Na-realize ko habang nanonood, ang tapang ko pala. Sa kalagitnaan ng mga nakakatawa at nakakakilig na eksena, wala akong mapagkwentuhan ng saya. Na-miss tuloy kita sa gitna ng dagat ng mga magnobyo at magnobya.

Dalawa. Dalawa lang ang karakter na pokus ng istorya. Dalawa, pero sapat na para pagulungin ka sa emosyong iyak-tawa. Sulit ang paghihintay ko nang dalawang linggo para mabakante at mapanood ang inakala ko ay overrated na programa. Dalawang karakter lang ang kinailangan para muli tayong umasa sa kalidad ng Pilipinong pelikula.

Tatlo. Tatlong pagkakataon akong naiyak nang legit habang nanonood – sa mga banat na nakakatawa, sa kakaibang pag-iibigan ni Tonyo at Lea, at nang pinatugtog na ang “Two Less Lonely People in the World” na OST ng pelikula. Ibang kalidad, sobrang nakakakilabot. Ang ganda ng cinematography. Swak na swak ang lapat ng musika sa istorya. San ka pa?

Apat. Sa pang-apat na row ako nakaupo, D14 to be exact. Masyadong malapit sa screen. Mas lalo kong na-appreciate ang mga eksena at ang ganda ng Japan. Dumagdag tuloy sa attachment ko sa istorya. Lalo na kapag close up shots na sa mukha ni Empoy, kitang-kita ko ang hilatsa ng mukha niya at ang pamatay niyang bigote at patilya. Sa sobrang lapit ko nga, akala ko magiging masakit lang sa mata, sa puso rin pala.


Lima. Limang papel na kulay ube lang ang dala ko nang gabing yun pero hindi ko pinanghinayangan ang ibinayad ko sa takilyera. Naks, ang lalim. Haha! Seryoso, the movie is worth watching, worth the ticket price. Mga ganitong pelikula talaga ang deserving ng ating suporta. Hindi yung para tayong hinoholdap sa dami ng product placements na tila ka nagbayad para manood ng patalastas ng gluta, tocino o gamot pampaligaya. *Note: exemption na ang loyal na si Sapporo dahil hindi naman natin yun talaga kilala.

Anim. Anim na putahe ang naaalala kong inalok ni Tonyo sa bulag na si Lea. Adobo, Sinigang, Lumpia, Pansit, Turon at Kaldereta. Mga pinoy favorites na binigyang-puwang sa lugar kung saan ramen ang patok sa panlasa. Pero kung sa tingin mo sapat na yan para mag-crave ka sa gitna ng programa, hintayin mo lang dahil pag-uwi mo, magbabago ang tingin mo sa repolyong nakapagbibigay raw ng ligaya.

Pito. Perfect number. Kasing perpekto ng mukha ni Alessandra. Kitang-kita ang pagiging Pilipina – kayumanggi at napakaganda. Sa panahong ang pagiging maputi ang basehan ng kagandahan, angat na angat ang pagka-pinoy ni ‘Lea’. Siya pa rin ang childhood crush ko na de-kalidad umarte at napaka-expressive ng mukha kahit walang kolorete. Uulitin ko, ang ganda ni Alessandra - ‘der o see’.

Walo. Tama ang mga reviews na mamimilipit ka sa pagpipigil ng ihi dahil wala kang gustong ma-miss sa mga eksena. Nakakatawa si Empoy, bukod sa nakakatawa niyang mga facial expressions, natural na natural ang kanyang pagiging komedyante. Parang tropa mong kalog na masarap kasama. Pero sa gitna ng mga ngiti ay may malungkot na istorya. Salamat sa Spring Films, nabigyan siya ng big break sa pelikula. At kung tinatanong mo kung nasaan ang ‘walo’, ipinilit ko lang yan parang pilipit na numero otso. Pero at the end of the movie you’ll agree with me: funny is the new pogi, bro.


Siyam. Siyam na bagay na hindi maaaring hindi mo mapansin sa istorya. Saging, Puso, Music Box at beer na Sapporo, Paper Crane, Daruma doll, Blindfold, Teddy bear at bag na Anello.  Siyam na bagay (syempre meron pang iba) na nagbigay kahulugan sa mga buhay nina Lea at Tonyo. Maliliit na detalye ng buhay, pero hindi ba’t mga maliliit din na bagay ang nagbibigay sa atin ng buhay? Parang si Lea. Sabi nila saging lang daw ang prutas na may puso. Pero kay Lea, siya lang daw ang puso na may saging. Kung hindi mo ma-gets, alam na – panoorin mo.

Sampu. Ika-sampu na ng gabi nang lumabas ako sa sinehan. Late na akong uuwi ng bahay pero pakiramdam ko nagsisimula pa lang ang araw ko. Kainis kasi tong si Lea at Tonyo, masyadong binulabog ang damdamin ko. Nagising tuloy ang pagiging hopeless romantic ko. Kung paanong naitatago ko sa mga katabi ko ang emosyon habang ongoing ang programa, nang bumukas ang ilaw, patay na – wala na akong maitatago pa. Pero ano naman kung nangingilid ang luha ko at makikita ng iba? Kung ang iniluha ko naman ay inspirasyong maging mas mabuting “Tonyo” para sa aking very own “Lea”?


Whooooh! Sobrang intense ng movie, yung tipong after ng pelikula, nakatulala ka na lang. Bakit ganun? Nakakaiyak. Nakakatawa. Para kang napaglaruan emotionally. Nakaramdam ako ng empathy sa character ni Empoy, then sa lungkot ng character ni Alessandra. Tapos hihirit pa si KZ Tandingan ng “Two Less Lonely People in the World”, masyadong makabagbag-damdamin. Damang-dama ko. Pakiramdam ko nga ako yung heartbroken. Ang sakit kaya. Hindi ako masyadong mahilig sa mga artista at mga pauso nila, and the last time na sumubaybay ako sa pakulo ng showbiz ay kasikatan pa ng AlDub. Ngayon na lang ulit, dahil sa Kita Kita.

Masasabi mong napaka-effective ng mensahe ng isang pelikula kung mong mapanood, apektado ka pa rin sa naging takbo ng istorya. Indeed, kung gusto mong ma-refresh sa dami ng paulit-ulit at uber-predictable story lines and plots, watch Kita Kita. At alam kong isa lang ako sa napakaraming nakakaaninag ng pag-asa sa muling pagbangon ng de-kalidad na pelikulang Pilipino. Obvious naman, kasi kahit na second week na ng showing ng movie at marami nang spoilers ang lumabas, nagpalakpakan pa rin ang mga tao sa sinehan after ng pelikula. Kitang-kita ang Kita Kita.


P.S. Miss na kita.
Ang Kita Kita at ang Paggising sa ating Inner Tonyo at Lea Ang Kita Kita at ang Paggising sa ating Inner Tonyo at Lea Reviewed by Marts Valenzuela on August 06, 2017 Rating: 5
Powered by Blogger.